Thursday, December 29, 2011

2012


Ganito kabagal ang ilang segundo bago magunaw ang daigdig. 

Aalon ang alak sa basong hawak, at mauunawaan ko sa wakas na walang gaspang na nalalabi sa mga kamay na hindi sanay sa bubog. Dama ko ang pawis ng yelo sa malalalim na guhit ng palad na minsang pinamuhatan ng kapalaran.

Aandap ang ilaw ng bumbilya, hanggang sa maging monopolyo ng buwan ang liwanag. Aahon ang kulog sa pagkahimbing, hindi nagmamadali gaya ng susunod na bagyo at iba pang delubyo.

Aabot sa mga daliri ang upos ng sigarilyo, bubulusok sa dilim. Ito ang pahintulot na maghanap ng ibang bisyong mas nakamamatay. Lalagumin ng nalalabi ang mga nakaligtaan.

Maaalala ko ang mga librong binalot ng alikabok sa ilalim ng kama. Sa pagitan ng mga pahina, mga papel na nilamukos at itinuwid muli. Kung sana--

Ganito kadagli ang katapusan.

1 comment:

citybuoy said...

To endings that cannot / will not end.

I'm also on Wordpress!